Nakaupo ako kasama ang munting Doberman na buto't balat
sa ibabaw ng mabahong umbok sa likod ng Oklahoma
City Animal Shelter. Siniguro kong ilakad
ang mga kaawa-awa aso. Paos na kumahol
ang iba nang gumewang siyang palabas sa hawla
at sumuot sa silo ng tali ko, na nakalaylay
habang dinaraanan namin ang mga halimaw sa ibang kulungan -
yong iba, sabi ng katiwala, talagang ipinanganak nang masama.
Nanginginig ang asong ito sa lamig ng taglagas habang pinapanood namin
ang pagdaan ng hamog sa ibabaw ng downtown.
Sa likod ng hamog na ito naroon si Krystal, yong bebot
na nakilala ko nitong Sabado ng gabi, na parang kilala
lahat ng tao sa bar pero paligid-ligid naman
sa akin, kahit pa pinayagan niya ang isang siraulong kupal
na himurin ang mata niya. Nang magsasara na, ibinigay niya
sa akin ang number niya, at naisip ko, ang suma nito,
ang pagkabata niya at malulusog na suso at tipong uubra na,
bawasan lang ang peklat ng tigidig, na wala namang kaso
sa akin, pero siguro iniinda niya, ay katumbas
ng una kong bebot mula sa Oklahoma. Kaya lang nang tumawag ako
puro tungkol sa sarili lang niya ang napag-usapan namin, mga dating trabaho,
mga natapos sa kolehiyo, ang kalaliman ng espirituwalidad niya, kapangyarihang
literal na kaya niyang palabasin ang araw kung kelan man niya
mapusuan. Akalo ko nagkamali lang siya
sa paggamit sa salitang "literal," na kalimitang nangyayari,
pero hindi. ‘Yon talaga ang ibig niyang sabihin, at kung bata-bata pa ‘ko
siguro nakipagtalo pa ‘ko, pero hinayaan ko na lang
at nalungkot ako nang todo pagkatapos naming magparaos sa kama.
Kung sabagay, mas mabuting makapiling ang kaawa-awang bebot na 'to
kaysa panooring dumaan ang mga ulap. Nakasandal siya
ngayon sa 'kin, at di ko maiwasang tapikin siya
sa marungis niyang balikat, at idantay ang baba ko sa ulo niya.
Kapag nakatingin ang mga aso sa isang direksyon,
habang sinisinghot nila ang ere, para bang alam nila
ang kahihinatnan. Di nila sinasabi, kung
isa kang volunteer, kung alin sa mga aso ang nasira,
alin ang naampon. Papasok ka lang araw-araw
at masusumpungang iba na ang mga aso sa kulungan.
(salin ng Different Dogs ni Douglas Goetsch sa New Yorker 17 Jan)