Thursday, June 29, 2006

Empake



Kuwarto. Nag-eempake si Edwin. Tumutulong sa kanya si Luisa na di mapakali sa pagtupi ng mga damit.



- Biglaan naman ang pag-alis mo. Hindi ka man lang nagpasabi.

- Kanina ko lang naman nalaman. Paki-abot nga ang Floursheim.

- Anong oras ka pa darating sa airport? Sira ang tulay diyan sa kanto.

- Have you seen my favorite tie?

- Ganyan ka naman hindi mo iniingatan ang mga binibigay ko sa ‘yo. 3rd anniversary pa naman natin ‘yon.

- Aba, sisihin mo si Celing. Suspetsa ko, napagkamalan niyang panali sa kurtina.

- Oo sige na, kukur na ang regalo ko.

- Ah wala akong sinabing kukurtinahin ang

- E di sinabi mo rin.



Dadamputin ni Edwin ang laptop. Bubuksan. Titingin lang si Luisa na hindi na maikaila ang paglusak ng mga mata.



- Pagkadating ko ng hotel, tatawag agad ako. Huwag kang mag-alala, mahal ang escort service sa London. Hindi ko kayang mambabae.

- E papaano kung pumayag nang libre?

- E di mas masaya.

- Ganyan ka talaga.



Hahampasin ni Luisa nang pabiro si Edwin. Mag-riring ang cellphone ni Edwin, sasagutin habang isinasara na ni Luisa ang maleta.



- Ma...Don’t worry I’ll be a good boy... (Tatawa) Okey lang ‘yon. Pagkadating ko doon, maghahanap ako ng fake na Rolex... Hahaha...



Iiling si Luisa. Titingin sa dingding. Mawawala sa sarili. Magiging movie screen ang dingding. Ipapalabas ang nang maging dalaga siya. Namimilipit siya sa sakit sa desk. Hindi niya pa alam kung bakit masakit ang tiyan o bakit pagkainit-init ng ulo niya. Kahit si Elsa na best friend niya at ka-on, ayaw niyang makausap.

Grade 5 siya noon at patay na patay kay Aga Mulach sa pelikulang Hotshots. Ayaw niya kay Gary Valenciano dahil kamukha ni Terry Saldana, yong basketball player ng Gilbey’s sa PBA. Tinanong siya ni Elsa kung okey lang siya pero lalo pang kumirot.

Nang malaman kung ano ang nangyayari sa kanya, huli na ang lahat. Pulang pula na sa dugo ang asul niyang palda. Nagtatakbo siya sa banyo at hinimatay. Nagising na lang siya sa infirmary.

Unang niyang nakita ang mala-multong mukha ni Sister Mona na namumukod-tangi sa pagkaputi ng buong silid. Pagbaling ng paningin niya sa kanan, nakaupo naman si Elsa na nag-aayos ng dilaw na tulips.

Naiyak siya dahil alam niyang magagalit na naman ang Mommy niya. Litong-lito siya noon. Tulad ngayon
.



- Isa. Isa. (May tono ng pagtatampo. ) Akala ko nakalimutan mo na ang pangalan mo. Ikaw na nga pala ang bahala sa mga bata.

- Ikaw lang naman ang nakakalimot sa kanila.



Darating si Katya, nakapantulog, kagigising pa lang.



¬- Daddy, are you leaving us?

- Katya, Daddy has to work abroad. Babalik naman ako after two weeks.



Iiyak si Katya.



- Don’t worry, I’m going to be here on your birthday. When I come back, we’ll go to Enchanted Kingdom. Don’t cry.



Malulungkot din si Edwin. Pero itatago ang nararamdaman.



- Sweetheart, don’t cry. Di ba sabi mo kanina, papakita mo kay Dad na big girl ka na. Do big girls cry?

- But why are you crying too, Mommy?

- Girls, cut it out. Daig n’yo pa’ng namatayan. Look at you. (Itatapat ni Edwin ang dalawa sa harap ng salamin). Para kayong pinagbiyak na kalamansi. I’ll call you as soon as I arrive. Okay? O sige na Isa, patulugin mo na ulit ang baby natin.



Hahalikan ni Katya ang tatay niya. Hindi na umiiyak pero patuloy ang paghikbi. Bubuhatin ni Luisa si Katya patungo sa kabilang kuwarto. Habang wala ang dalawa luluhod sa tabi ng kama si Edwin, may dudukutin. Dal-dalii niyang isisilid sa maleta ang isang maliit na bote ng Poison at isang jewelry box. Mahuhulog ang jewelry box at sasambulat ang isang pares ng singsing na may diamante. Matataranta si Edwin at hahamigin agad ang mga singsing.

Darating si Luisa pagkatapos na pagkatapos niyang isilid sa maleta ang singsing.




- Hindi ka ba muna kakain bago umalis?

- Ipagbalot mo na lang ako ng sandwich. And don’t forget to powder my back, ha?

- Yes, son. O better yet, yes master.

- Isa naman, hindi mabiro. Pinapangiti lang kita. Paano naman ako aalis nang maayos kung lukot-lukot naman ang mukha mo. O ayan.

- Pangit.

- Uy, ngingiti na siya. Pinipigil lang niya. Baka mautot ka niyan. Baka kumapit sa damit ko. Kung sabagay, wala naman akong pabango. At saka, at least lagi kong maaalala ang amoy mo habang nasa London ako.



Hahampasin siya sa braso ni Luisa nang pabiro.



- Kita mo hindi ka rin nakatiis.

- (Matatawa si Luisa) Haaay Edwin, gimme a break.

- Your wish is my command. (Bubuhatin ni Edwin ang maleta at pormang lalabas ng kuwarto.)

- Edwin.

- Joke. Sinisiguro ko lang na hindi ka pa inaantok.

- At ano naman ngayon kung gising pa ‘ko?



Magkakatinginan ang dalawa -- parehong may ngiting sila lang ang nakauunawa. Lalapit si Edwin kay Luisa. Yayakapin niya at aamuyin ang leeg, batok, buhok. Ibababa pa ni Luisa ang duster niya na kanina pa nakababa hanggang balikat. Hahalikan ni Luisa ang asawa.



- Sigurado ka bang tulog na si Katya?

- Pinatulog ko na.

- Ayoko sanang gawin ‘to baka kasi hanap-hanapin ko sa London. Malamig pa naman doon.

- Bakit may kamay ka naman. Malawak naman ang imahinasyon mo.

- Love ‘you.



Papalahaw ng tawa si Luisa. Magtataka si Edwin.



- Bakit.

- Wala. Hi hi hi.

- Sige ka. Baka gusto mo yata ng S&M.

- Sige nga. Tingnan nga natin ang kaya mo.

- Bakit nga?

- KJ ka naman.

- Gusto mo ba talaga?

- Mmm.

- Sabihin mo muna kung bakit ka tumawa.

- Kasi hindi ko na alam ang ibig sabihin ng sinabi mo.

- Ng ano?

- Ng I love you.

Monday, June 26, 2006

Ang Mga Dapat Gawin Ngayong Umaga



Binitawan agad ni Lea ang eyeliner nang magberde ang traffic light. Wala siyang pakialam kahit kahalati ng kanang kilay lang ang naguhitan niya. Kahit pa nasulatan ng itim na linya ang halos puting seat covers nang ibato niya ito.

Sa pag-usad-tigil niya sa loob ng kotse, inisa-isa niyang inalala ang mga dapat gawin ngayong umaga. Client presentation, 10am. Staff meeting over lunch. Follow up accounts, buong hapon. Look for Bernard, if possible.

Magpipirmahan na sila ng kontrata ngayong umaga ni Mr. Joaquin. Tatlumpung units ng computer. Nanlaki ang mata niya sa laki ng komisyong matatanggap. Mabibili na niya ng cellphone si Corrinne, ang anak niya.

Nahirapan siyang mapasagot si Mr. Joaquin. Malaking isyu ang pagkakatanggap niya sa account na ito noong nakaraang linggo.

‘Komo’t babae siya, sigurado nang masasara ang kontrata?’ pasaring ni Bernard sa boss nang maaga siyang pumasok kamakailan lang.

Alam ni Lea na sinadya ni Bernard marinig niya. Malayo pa lang sa cubicle, nakatingin na si Bernard. Ni hindi man lang nagkunwari si Bernard. Pinandilatan pa si Lea na nakadukwang sa mesa habang isinasaksak ang pc.

‘Good morning,’ bati ni Lea pagkaahon sa sahig. Buong-buo ang ngiti niya kay Bernard.

Gumanti ng irap si Bernard.

Hindi na nakita ito ni Lea. Nagbasa agad siya ng email. Marami pang prospects na kailangang i-follow-up. Patuloy naman ang pagpaparinig ni Bernard habang nagbibingibingihan si Lea. May ilang detalye naman ang lumilinaw kapag galit na ang tono ni Bernard. Kapag nangingibabaw ang inggit. Na kung hindi lang siya babae, baka naupakan na siya. Na kung hindi lang alam ng buong opisina, baka kung ano-ano pang freebies ang inaalok ni Lea sa mga kliyente. Kaharap lang ni Bernard ang boss pero sinigurado niyang dinig sa buong opisina ang boses niya.

‘You’re way out of line, Mr. Castillo,’ saway ng boss. ‘You better shut your trap or you’ll get it.’

‘Sir, alam n’yo naman how imfortant this is to me. And you know very well, I’m most capable to close the deal.’ sagot ni Bernard.

‘May iba akong assignment para sa ‘yo.’

‘But… ’

‘Are you questioning my authority?’

Natahimik si Bernard. Hindi niya inakalang aabot sa ganito ang usapan nila ng boss.

‘You better give me results on this one or else,’ dagdag pa ng boss habang hinahalungkat ang bundok ng papeles sa mesa.

Napakamot na lang ng ulo si Bernard. Wala na siyang masabing paninirang hindi pa naririnig ng mga ka-opisina. Bumuntong-hininga siya at buong lakas na ibinagsak ang pinto paglabas.

Pumunta agad si Lea sa opisina ng boss niya.

‘I’m sorry,’ bati agad sa kanya ng boss.

‘I appreciate it very much, Sir. Pero gusto ko lang linawin kung may tiwala talaga kayo sa akin kaya ipinasa n’yo sa akin ang client na ‘to.’

‘ Ya sure,’ sagot ng boss na nanlalaki ang mga mata.

Dama ni Lea ang pagkautal ng boss niya. Pinigil niya ang pagkainis. Parang gusto niyang sundan si Bernard para isoli na sa kanya ang account. Kung hindi lang nag-inarte si Bernard.

Hindi siya mapakali buong araw. Ilang beses niyang ipinagpaliban ang pag-schedule ng presentation kay Mr. Joaquin. Matapos ang kaganapan sa kuwarto ng boss niya, kailangan niyang banatin ang mga laman sa mukha. Piliting ngumiti sa harap ng mga ka-opisina at iba pang kliyente. Tabunan ng make-up ang mga ugat na naglitawan dahil sa pagkimkim ng galit sa pisngi, sa gilid ng mga mata. Buti na lang puwede niyang idahilan ang contact lens niya sa pagkapula ng mga mata.

Pagpasok pa lang niya sa opisina ni Mr. Joaquin kinabukasan, pansin niya ang pagkakatitig nito sa mataas na tabas ng palda niya. Namula si Lea sa pag-good morning. Parang nakoryente nang makipagkamay ang kanan habang pilit na hinihila pababa ng kaliwang kamay ang laylayan ng palda. Nakahalata naman ang napapanot na kliyente na nailang na si Lea. Tumingala nga siya, pero tumigil nang katapat na ng mukha ang dibdib ng kaharap.

‘Have a seat,’ sabi ni Mr. Joaquin.

Pinilit magsalita ni Lea para mabaling ang isipan mula sa pagkakaunawa sa kakaibang ngiti ng kliyente. Hinakot agad ni Lea sa kandungan ang mga brochure niyang dala bago pa gumala-gala ang mata ng kaharap.

Nakahinga nang maluwag si Lea nang simulan ang presentation. Inisa-isa niya ang bawat modelo, ang mga bentahe ng bawat produkto. Pinaghandaan niya ang oras na ito. Walang monopolyo si Bernard sa husay magbenta. Natuwa siya nang nagpakita ng interes sa inilalako niya si Mr. Joaquin. May pailan-ilang tanong pa tungkol sa specs na angkop sa pangangailangan ng katatag na dotcom business nila. Hindi lang maiwasang mawala sa gitna ng mga tanong si Mr. Joaquin tuwing mapapatingin sa kanya.

Nagmadali siyang umalis nang pirmahan ni Mr. Joaquin ang cost estimate. Naiwan tuloy ang notebook niya. Naalala lang niya ito pagbalik sa opisina. Nang tanungin siya ni Luz, ang sekretarya, kung alam niya ang telepono ni Bernard sa bahay.

‘Hindi sinasagot ang cellphone e. Ewan lang natin kung ikaw ang tatawag.’

Hindi natawa si Lea sa birong ito. Nag-alala siya dahil hindi pa pumapasok si Bernard mula nang lumabas sa opisina ng boss nila.

Nagsuspetsa si Lea kay Luz. Alam kaya nitong nakasulat sa notebook niya ang telepono ni Bernard?

Matagal nang sumisimple sa kanya si Bernard. Nariyan ang sabayan siya tuwing lunchbreak. Tinatabihan siya tuwing may seminar. Nagpapasa ng mga kalokohan sa papel. Minsan, sinusulatan ang notebook niya. Nakikipag-tic-tac-toe. Kaya nang isulat ni Bernard ang phone number niya sa bahay, balewala lang kay Lea.

Wala naman siyang nakikitang masama sa atensyon ni Bernard sa kanya noong simula. Ang totoo, wala siyang nararamdaman para kay Bernard.

Nagbago lang si Bernard nang dumami ang benta niya. Ni hindi man lang nauubusan ng prospect. Si Bernard, kabo na sa trabaho, kabo pa kay Lea. Ayaw isipin ni Lea na naiinggit si Bernard. Ayaw niya ring isiping may gusto ito sa kanya. Ngayon pang sinabi niya ang mga sinabi niya nang magwala nakaraang linggo.

Gayunpaman, umiigting pa rin ang kaunting pag-aalala ni Lea. Gusto niyang sabihin kay Luz na alam niya ang numero ni Bernard. Hindi lang niya gustong lumaki pa ang usapan, pati na ang bulong-bulungan, pag nalaman pang naiwan niya ang notebook kay Mr. Joaquin.

‘Patawarin mo na kasi si Bernard,’ biniro siya ni Luz.

Pinatawad ni Lea si Luz sa pagka-taklesa nito. Hindi alam ni Lea kung saan nanggaling ang hirit na ‘yon. Pinilit niyang ngumiti para lubayan na lang siya nito. Nang palapit na siya sa mesa, inintriga pa siya muli ni Luz.

‘Tumawag si Mr. Joaquin. May naiwan ka daw. Tinanong ko kung ano, pero ayaw sabihin. Personal daw,’ sabi ni Luz na abot hanggang tenga ang ngiti.

Alam ni Lea ang kahulugan ng ngiting iyon. Mahaba lang talaga ang pisi niya.

‘Thank you,’ gumanti ng ngiti si Lea, kunwari deadma sa pasaring ni Luz.

Unang linggo pa lang sa trabaho, sumimpleng makakuha ng tsimis sa kanya si Luz.

‘May anak ka na pala.’ bati ni Luz.

‘Five years old na.’ sagot niya sabay bukas ng wallet para ipakita ang ritrato ng anak.

‘Yong husband mo? Sa’n nagtatrabaho?’ tanong pa ulit.

‘A. e. I’d rather not talk about him. Sige, dami ko pang trabaho.’

Hindi siya nagmadaling umalis. Ayaw niyang magtaka pa ang kausap niya. Mula nang ipanganak niya si Corrinne, wala siyang komunikasyon sa ama ng anak niya.

Mula noon, alam ni Lea na siya lagi ang paksa ng mga tsismoso’t tsismosa sa opisina. Maingat na siyang makipag-usap kahit kanino. Minsan, kahit trabaho na ang usapan, ingat pa rin siyang magsalita. Ni hindi lang minsang maulinigan niyang pinag-uusapan siya ng mga kalalakihan. Akala nila, hindi naririnig sa labas ng cr ang usapan nila.

‘Pare, limang taon nang hindi nadidiligan. Sigurado ‘ko, hayok na hayok na ‘yan.’

‘Kung wala pang dumidilig.’

‘Tangna, naunahan na yata tayo ni Bernard.’

‘Yon pa. Ni hindi nga sumasama sa mga gimik natin yon.’

‘Kaya pala malapit kay Bernard.’

‘Ah, safe na safe siya.’

‘Puwera na lang kung papatol sa babae si Bernar-Ding.’

Nakipagpaligsahan ang halakhakan ng tatlong kumag sa sabay-sabay na pag-flush ng mga urinal.

Hindi pinalampas ni Lea ang pangyayaring ito. Naghintay siya sa labas ng cr. Paglabas ng tatlo, naudlot ang tawanan nila. Tinitigan sila nang masama ni Lea. Napayuko ang tatlo, hirap ipakitang napahiya sila. Nagtataas-baba lang ang mga balikat nila nang humirit pa ang isa.

‘Baka mautot tayo sa pagpigil ng tawa.’

Nagtawanan ulit sila nang malakas. Nagkaroon tuloy ng dahilan para tumakas.

Matapos ang mahigit isang taon, natuto nang magbingi-bingihan si Lea. Malinaw kay Lea ang pakay niya sa opisinang ito: magtrabaho. Hindi magkaroon ng mga kaibigan.

Mahirap noong unang tatlong buwan. Dumating sa puntong gusto na lang niyang umalis. Linggo-linggo niyang sinusuyod ang mga Classified Ads sa dyaryo, naghahanap ng malilipatan sa internet, nag-ipon ng mga calling cards, tinandaan ang mga kontak kahit pa mismo mga kliyente na nila. Nauwi lang lahat sa wala. Hindi niya kakayaning mawalan ng trabaho dahil kay Corrinne.

Gusto rin niyang makaganti sa mga kaopisina niya. Nalaman lang niya kung paano nang mapromote siyang Account Manager. Nakaganti nga siya, pero hindi naman natapos ang pang-iintriga sa kanya.

Mas malala pa ngayon. Nariyan ang pagpapaunlak niya sa mga panliligaw sa kanya ng boss. Nariyan ang pagkakadispalko niya ng malaking halaga sa ilang benta niya. Akala niya, manhid na siya sa lahat ng ito. Nangyari nga lang ang paninira sa kanya ni Bernard.

Nagdesisyon siyang harapin ang isyung ito ngayong araw. Pagkatapos niyang mapapirma si Mr. Joaquin at makuha ng notebook niya. Pero kailangan munang makalampas siya sa pagkakabuhol-buhol ng trapiko ngayon sa Airport Road. Malayo pa ang Quirino Ave., tumigil na naman siya.

Napabusina ang owner sa likod. Kahit naman si Lea, nabigla sa pagpreno ng dyip sa harap.

Inayos niya ang rearview mirror. Sinilip sandali ang nakasakay sa owner at itinapat sa mukha ang salamin. Dinampot niya ulit ang eyeliner para ituloy ang naputol na pagguhit ng kilay.

Sa labas, sumugod ang mga batang nanlilimos. Tumapat ang dalawang bata sa bintana niya. Nagtulakan, nag-umbagan. Nanalo ang mas malaki na may pahabol pang kutos habang naghahanap na ng ibang kotse ang umiiyak na kasamahan.

Agad kumatok sa bintana niyang walang tint ang manlilimos. Kinatok agad pabalik ni Lea ang bintana para paalisin ang bata pero pumirme lang ito sa tabi ng kotse. Napansin ni Lea na nakatitig ito sa maiksing palda.

Lumingon si Lea sa bata para sabihing wala siyang ibibigay. Nagulat siya nang makitang nginunguso ng bata ang hita niyang nalilisan ng palda. Pinalabas-pasok pa ng bata ang dila nito sa nguso.

Gustong murahin ni Lea ang bata pero ano ba naman ang magagawa nito. Tiningnan na lang niya ang sasakyan sa harap at itinakda sa isipan na palagyan ng tint ang kotse pagkakuha niya ng komisyon.

Nang mapansin ng batang hindi siya iniinda ni Lea, nginaratan niya si Lea sabay nagpaulan ng mura patungkol sa pagkababae niya. Inis na inis si Lea. Wala siyang magawa kundi lakasan ang volume ng stereo.

Nagulat na lang siya sa pagbusina ulit ng sasakyan sa likod. Berde na ulit ang ilaw. Sa pagkataranta, nagkamali siya ng pasok sa kambiyo. Nabitawan ang clutch at namatay ang makina.

Bumusina pa ulit nang matagal ang owner sa likod. Bumuntong-hininga muna si Lea. Pumikit. Kinapa ang susi. Nagbilang hanggang tatlo, saka ipinihit.

Sabay tumunog ang cellphone niya at rumedondo ang makina ng kotse. Dahan-dahan niyang inangat ang apak sa clutch. Umusad siya habang itinitihaya ang cellphone. Tumatawag si Bernard. Pinidot niya agad ang END. Hindi niya kayang makipag-usap sa cellphone kay Bernard habang nagmamaneho.

Nag-ring pa ulit ang cellphone. Pinatay ulit ni Lea. Kailangan niyang makaliko sa Roxas Boulevard kung saan mas maluwag na ang trapiko. Doon puwede siyang tumigil sa tabi ng bangketa habang kausap si Bernard.

Tumunog naman ang text nang paliko na siya. Inangat niya ang cellphone para sumimpleng basahin ang message. Napapreno ulit siya nang biglang kumabig sa harap niya ang isang bus. Hindi na niya nakuhang bumusina nang matagal nang mag-unahan ang mga pasahero sa pinto.

Nainip siya. Di makuhang umabante. Wala ring panahon para tawagan na si Bernard. Bubuksan na niya ang inbox ng cellphone niya nang umarangkada ang bus at tumigil makailang dipa lang ang layo.

Tinutukan niya ang puwitan ng bus. Sa dami ng mga sasakyan ngayon sa Roxas Boulevard, nagbakasakali siyang matatagalan bago umabante ulit. Dinampot ni Lea ang cellphone at tinawagan si Bernard. Habang naghihintay siyang maka-connect, napansin niyang umaandar na ang mga sasakyan sa kaliwa niya. Napansin niyang may dumaan sa tabi niyang owner, tumigil sa tabi niya. Lilingonin na niya sana nang magsimulang mag-ring. Sa saliw ng nakatutulilig na ring, naulinigan niya ang pagmumura ng nakasakay sa owner.

‘Puta ka. Puta ka!’ sigaw ng driver ng owner habang dinidiinan ang apak sa silinyador. Mabilis nawala ang owner. Hindi rin gaano narinig ni Lea ang pagmumura dahil sa pagkakasarado ng mga bintana, parang nanggagaling sa ilalim ng tubig.

Ilang beses tumunog ang cellphone ni Bernard at biglang naputol. Tinawagan niya ulit pero narinig na niya ang automatic message: The number you dialed cannot be reached.

Naalala niya ang text message, binuksan, binasa. Galing kay Bernard: WRU? LOW BAT NA ME.

Nairita siya sa pagbasa ng ME sa halip na AKO. Maraming mga hirit na ganito si Bernard na kinaiinisan niya. Tulad ng paggamit ng is sa halip na ay. Ang kailangan nating gawin is. Naiinis din kapag umaatake ang fi and ep depiciency ni Bernard. Luminaw sa kanya kung bakit nate-turn off siya kay Bernard.

Gayunpaman, kinutuban siya sa pagtawag ni Bernard. Tatawag naman siguro ulit yon, nasabi niya sa sarili. Ibinaba niya ulit ang cellphone at hinintay ang pag-abante ng bus sa harap. Ilang minuto na ang nakaraan, hindi pa rin kumikilos ang lane nila. Nasipat niya sa rearview mirror na lumilipat na ng lane ang mga nasa likod niya. Binalak niya ring kumabig pakaliwa pero naggigitgitan ang ibang mga jeep at bus. Minabuti na lang niyang maghintay na lumuwag-luwag para kumabig.

Inikot niya ang talapihitan ng stereo. Naghanap ng masayang tugtog. Tumigil siya sa isang istasyon. Pinakinggan ang maagang yugyugan ng mga dj. Sumabay naman sa indayog ang mga taong naglalakad pabalik. Sinasalubong ang mga sasakyan. Nakikipagpatintero.

Dumami pa nang dumami ang agos ng mga tao at saka lang niya naunawaan na pasahero sila ng bus na nasa harap. Lalong umigting ang pakiramdam na kailangang makalipat ng lane. Nagdahan-dahan siyang sumingit sa kaliwa. Matapos ang ilang malalakas na pagbusina, panduduro at pagmumura, nakalipat rin siya.

Makalampas sa nasiraang bus, medyo lumuwag na ang daan. Nanibago si Lea sa pagkakapasok ng kambiyo sa tersera. Pinasok ng kuwarta. Kinta. Sumikip lang muli nang pakanan na siya sa Buendia.

Nag-ring ulit ang cellphone. Hindi niya muna dinampot dahil may traffic enforcer sa kanto. Mahigpit magpatupad ng mga batas trapiko sa Makati. Konting kibot, huli agad. Tiniis niyang huwag pansinin. Kinapa nang makalayo sa traffic enforcer, nasilip na sa bahay galing ang tawag.

Dikit-dikit ulit ang mga sasakyan sa Buendia kaya nagkaroon siya ng pagkakataong sagutin ang cellphone.

‘Mama! Hilow?’

‘Corrinne, Baby, how are you?’

‘Mama, anong gawa mo?’

‘Nagdadrive si Mama to work eh. Tawagan na lang kita uli ha.’

‘Eh kasi ’

‘Why? Is there something wrong?’

‘Sabi kasi ni Yaya, di mo raw ako ibibili ng cellphone.’

‘Baka naman bad girl ka.’

Bumusina nang malakas sa likod. Nagulat siya at napakadyot sa harap. Pumreno. Bumusina ulit sa likod, mas malakas, mas nakakataranta. Patawid na siya ng Taft nang biglang naging pula ang ilaw. Mas matagal ang busina sa likod pero hindi na pinansin ni Lea.

‘Are you ok, Mama?’

‘I’m fine. Don’t worry, pagbalik ko mamaya, may cellphone ka na.’

‘Talaga?!’

‘Basta good girl ka! Love you. Mwah! Pakibigay nga kay Yaya ang phone.’

Hindi na nakasagot si Corrinne sa tuwa. Naghanda si Lea na pagsabihan ang Yaya. Huwag masyadong mataray, baka kung anong gawin sa anak niya. Huwag masyadong malamya, baka hindi siya seryosohin.

‘Ati?’

‘Ano bang sinasabi mo sa anak ko?’

‘E, Ati, binasag niya kasi ang salamin sa kuwarto.’

‘Binasag o nabasag?’

‘Sabi ko na po kasi huwag siyang malikot. Nasugatan po siya. Piro ’

‘Haaah!!!?’

Sumabay sa pagbusina muli sa likod ang sigaw ni Lea. Tumawid siya sa Taft. Dahan-dahan. Kailangang ilagan ang mga taong tumatawid at mga dyip nakahambalang sa gitna ng kalye. Muntik-muntikang mahulog ang cellphone na inipit niya sa balikat at tainga.

‘ Huwag kayong mag-alala, mababaw lang.’

‘Inalkohol mo ba? Mertayoleyt? Binalutan mo ba ang sugat? Naku. Sabi nang ’

‘Huwag na po kayong mag-alala, Ati. Hindi po grabi.’

‘Sigurado ka?’

‘Sigurado po.’

‘Pakausap nga kay Corrinne ulit.’

Tika lang po.’

Narinig ni Lea na tinatawag ng yaya si Corrinne. Narinig niyang bumukas at sumara ang pinto. Mahina na ang boses ng yaya, tinatawag ang anak niya. Kasalukuyan niyang binabagtas ang Buendia nang parahin ng isang traffic enforcer. Sinenyasan siyang itabi ang kotse niya. Sumunod siya habang pinakikinggan pa rin ang mga tinig at tunog mula sa kabilang linya.

Ibinaba ni Lea ang bintana. Naroon na agad ang traffic enforcer. Bago pa man magsalita ang lalaki, pinangunahan na agad ni Lea.

‘Sir, pasensya na. Importante pong tawag. Naaksidenteng anak ko.’

‘Eh sobrang ka pang bata para magkaroon ng anak.’

Namula si Lea.

‘Hindi naman po. Eto nga’t hinihintay ko pang magsalita ang yaya.’

Nginuso ni Lea ang cellphone na tahimik pa rin hanggang ngayon.

‘Meron ba kayong lisensya, Miss?’

‘Sandali lang po.’

Dinukot niya sa bag ang lisensya. Binasa ito ng lalaking enforcer. Sinipat nang mabuti ang ritrato. Ikinupara sa mukha niya. Hindi lang napansin ni Lea, sumisimple na ng boso sa hita niya ang lalaki.

‘Balbon, este, mahaba pa ang buhok mo rito ah.’

Matagal na nakatitig ang lalaki sa hita ni Lea. Napansin ito ni Lea, sabay takip sa laylayan ng palda. Kumiliti palad at nagpangilo sa kanya ang mga balahibo sa binting ilang araw na ang haba.

‘Teka lang Manong, titikitan n’yo ba ako o hindi.’

Hindi na makatiis si Lea, tumaas ang boses niya. Tahimik pa rin sa kabilang linya.

‘Dahil maganda ka, papalampasin ko na lang ito.’ sabi ng lalaki bago kumindat.

‘Hindi naman ho yata tama ‘yan. May violation ako. Tikitan n’yo ako.’

‘Okey na, Miss Beautiful.’

Lalong nagngitngit si Lea. Hinayaan niyang mahulog ang cellphone.

Nagsimulang bumalik sa bangketa ang traffic enforcer. Sinalubong siya ng iba pang mga traffic enforcer. Nakiusyoso sila kung magkano ang nakotong ng kasama. Umiling lang ang lalaki.

Kitang-kita lahat ni Lea at biglang nandilim ang paningin niya. Sumigaw siya sa loob ng kotse. Diniinan ang busina. Napalingon sa kotse niya ang traffic enforcer. Hindi na ito nakailag sa bilis ng arangkada ni Lea papuntang bangketa.

Thursday, June 22, 2006

Nang Makaiwas sa mga Tanong na Hindi Niya Masasagot



Muntik nang tumumba ang gitara ni Rex nang ihatid sa kanila ang dalawang bote ng Pale Pilsen. Nakaharang ang paa Rex sa daanan at natisod ang babaeng nag-abot. Nasalo naman agad ng babae ang mga bote. Natilamsikan nga lang ang cellphone ni Rex na kanina pa niya pinipindot-pindot para mabasa agad ang text ni Miko. Abala rin si Jonjon na may dinudukot sa case ng bass guitar. Nagpaumanhin ang babae pero hindi man lang siya pinansin ng dalawa.

Parang pangalawang bahay na ni Rex ang Balsa. Lahat puwede niyang gawin. Mag-ingay. Magpatugtog ng gusto nilang sounds. Kahit nga mag-jutes, okay lang. Tutulungan pa silang magbalot ni Erwin, ang manager.

“Basta organic, magkakasundo tayo.” hirit ni Erwin.

Kakaibang umestima ng costumer si Erwin. Sinisiguro niyang kausapin lahat ng mga costumer. Nang unang mapadpad si Rex dito, nagpamorningan sila ni Ewin. Magdamagang sumasalanta ang bagyo at bumaha. Hindi na nagtapang-tapangan pa si Rex na ilusong ang oto niya. Walang ibang masilungan kundi ang Balsa.

Nagkagaanan naman agad sila ng loob ni Erwin. Pinahiram pa siya ng payong ni Erwin pabalik sa oto. Hindi na naisoli ni Rex ang payong na winasak ng nag-aamok na hangin.

Maingat si Rex na mapaalala ang payong. Hindi naman siya tinatanong ni Erwin. Diyahe nga lang pag naungkat pa.

Naalala lang ni Rex ulit ito habang otomatikong ipinahid niya sa hita ng maong ang nabasang cellphone. Nakasanayan na niyang gawin ito pagkatapos idikit ang cellphone sa langising mukha kapag may kausap.

“Bili ka na lang kasi ng handsfree. Dehin pa delikado pag nagmamaneho ka.” payo ni Jonjon dati.

Naniwala naman si Rex sa pag-aalala ni Jonjon. Wala nga lang siyang pambili ng nasabing phone accessory.

“Kaso lang, kung ganyan na ka-langis sa pisngi, ano pa kaya sa tenga?” dagdag ni Jonjon bago tumawa nang malakas.

“Ingat ka baka iyan na ang huling tawa mo.” pabirong banta ni Rex, nakaakmang apakan ang bass guitar ni Jonjon.

“Chief, wala namang bastusan ng syota.” hirit ni Jonjon na nagmadaling niyakap ang gitara niya.

Syota ang tawag nila sa mga gitara nila. Bininyagan pa nila ng pangalan. Hilda ang tawag ni Jonjon sa bass guitar niya. Para daw malaking babae na mababa ang boses. Tori naman ang kay Rex. Lagi niyang pinapaalala na dahil sa singer na si Tori Amos at hindi kay Tori Spelling na artista sa kinaiinisan nilang TV series. Sa dalas ng panunukso ng mga kabanda niya, pinabayaan na lang niya. Baka maungkat pang torpe lang talaga siya kaya walang totoong syota .

“Ano daw sabi ni Miko?” tanong ni Jonjon habang nginunguso ang cellphone ni Rex.

“Wala pa e. Dalawang bar na nga lang ang battery ko.” sagot ni Rex.

“Ba’t di mo pa kasi tawagan?”tanong ulit ni Jonjon.

“Mas malakas kayang makaubos ng baterya yon? At saka paubos na rin load ko e.” Inis na si Rex.

“E di bumili.” namilosopo pa si Jonjon.

“Ikaw kaya ang bumili? Pagkatapos ikaw na rin magbayad ng beer. Kung alam ko lang na mang-i-indian si Miko, di na sana ako bumili ng isang set ng string.” sigaw ni Rex na pikon na pikon na.

Halos naubos ang allowance ni Rex matapos bumili ng kuwerdas kanina. Pinlano na niyang patagalin ang isang bote ng beer hanggang magsara si Erwin. Hindi makakabili ng dalawang bote ang pera sa bulsa niya. Wala rin naman siyang maaasahan kay Jonjon na umaasa lang din sa kanya. Konsolasyon lang niya na lagpas pa sa kalahati ang karayom ng fuel gauge sa box-type Lancer. Makakailang balikan pa sila sa Marikina.

“Ahh. Okay lang naman ako. Alam mo bang ang sarap ng beer na ito. Gawa daw ito sa pinaka...” hinanap ni Jonjon ang nakasulat sa likod ng bote para basahin, para ibahin ang usapan.

Ayaw na niyang painitin pa ang ulo ni Rex. Tama na ang pagkakapurnada ng gig nila dahil sa hindi pagsipot ni Miko.

“Binago na nila ang packaging niyan. Sa kabila mo tignan. Ulol!” payo ni Rex na nagbago na ang timpla, pigil na pigil pa sa pagtawa.

“Rex? Rex? Ikaw ba ‘yan? Huhuhu.” pabirong sagot ni Jonjon. Nanibago sa biglaang paglamig ng ulo ni Rex.

Nang makita niya ang tinitingnan ni Rex sa bar, nalaman niya kung bakit.

“Kilala mo ba ‘yong tumutulong kay Erwin?” tanong ni Rex.

“Ah ‘yon pala si Erwin.” Tumango-tango si Jonjon sa bagong natutunan. “Ako pang tinanong mo. Minsan mo lang ako isama dito.” pabirong tampo ni Jonjon.

“Oo nga pala.” sagot ni Rex na napakamot sa ulo.

Kung kelan pa malayo ang babaeng nambasa sa kanila, saka lang nila napansin. Hindi siya kagandahan. Kakaiba lang dahil sa pagkakakintab ng suot na cheong-sam. Mahusay ang pagtatalaban ng pula at mas dominanteng itim ng seda sa morenang balat nito.

Napansin ni Jonjon na ngumiti ang babae kay Rex. Mukhang susuwertehin ang kaibigan ko, naisip ni Jonjon. Nagdalawang-isip nga lang siya. Kwidaw si Jonjon sa mga ganitong lugar. Maraming naitatago sa mga lugar na sinadyang mapanglaw ang ilaw.

Dahil abala si Rex sa pagkilatis sa babae, hindi niya tuloy narinig ang pagbeep ng cellphone.

“Baka si Miko na ‘yan.” sabi ni Jonjon.

Tinabig pa niya ang braso ni Rex nang magbingi-bingihan ang kaibigan.

“Steady-lamig!” binara ni Rex si Jonjon.

Sinadya niyang bagalan ang pagdampot ng cellphone sa mesa, ang pagpindot sa keypad.

Dahil numero lang ang lumabas sa sender, alam na agad ni Rex na kay Miko galing ang message. Nanibago siyang all caps ang message.
CHIEF, SENSYA N. MAINIT S MLA.
UMAALAT HANGIN. HIRAP MGTAMBOL
KPG HNAHABOL. TEX-TEX.

Papalit-palit SIM card si Miko. Gusto lang daw niyang mag-ingat. Marami na kasi sa mga kasamahan nila sa bundok ang nabasyo dahil sa cellphone. Papalit-palit tuloy sila ng numero. Minsan, pati ng cellphone. Bumulaga ang iba’t ibang cellphone nang minsang matabig ang bag ni Miko sa rehearsal studio. Bagong modelo lahat. Para tuloy ahente ng cellphone si Miko. Napailing si Rex dahil laging sinasabi sa kanya ni Miko kung gaano kahirap ang buhay nila sa bundok. Madalas kamote lang ang pagkain nila, kung may kakainin pa. Pero sa cellphone, sosy. Nahiya tuloy maglabas ng cellphone si Rex. Bukod sa luma at burado na ang keypad, siguradong makakantyawan na naman siyang may baong pangkaskas ng yelo para sa halo-halo.

Noon pa lang, naisip na ni Rex na magiging problema ang oras ni Miko para sa banda. Alam niya sa huli na kung magkagipitan, bundok ang pipiliin ni Miko. Pero tinanggap pa rin niya nang mag-audition ang drummer. Siya lang ang tambolistang nakita ni Rex nang personal na kayang pumalo ng Moby Dick ng Led Zeppelin. Parang lumilipad ang mga kamay nito. Hindi halos tumatama sa tambol ang stick pero malutong na malutong ang dagundong at sitsit sa bawat paghataw.

May simpatya si Rex sa pinaglalaban ng mga nasa bundok. Kapos na kapos lang siya sa panahon at lakas ng loob. Ngayong nasa banda na si Miko, sino ba namang magsususpetsang miyembro siya ng kilusan? Sa haba ng buhok at sa dami ng tato sa patpating katawan, mas pagkakamalan siyang adik kaysa rebelde.

Hindi na nag-reply si Rex. Maiintindihan na ni Miko ‘yon, naisip niya.

“Tuloy bang gig natin sa Mayric’s bukas? Paano ‘yan wala si Miko.” pag-alala ni Jonjon.

“Tinawagan ko na sila. May ibang banda daw na puwedeng sumalo sa puwesto natin.” sagot ni Rex.

“Sayang darating pa naman ang mga pinsan ko.” bulong ni Jonjon sa sarili.

Alam ni Jonjon kung gaano kasensitibo si Rex tungkol sa mga gig nila. Bass lines lang naman ang ambag niya sa banda. Minsang sumisimple siyang mag-second voice pero tumitigil agad si Rex sa pagtugtog. Nasisira daw ang kanta. Si Rex naman, bukod sa gitarista at bokalista, siya pa’ng naghahanap ng gig. Siya rin ang nagsusulat ng mga kanta. Dati-rati, lahat ng puwedeng tugtugan, pinapatos nila. Kahit libre. Napaaway sila nakaraang buwan nang pinrotesta sila sa isang battle of the bands sa piyesta sa Bulacan. Hindi rin naman sila makapalag dahil hindi sila taga-roon at totoong pangatlong taon na nilang nananalo. Masuwerte na silang buo lahat ang mga syota nila pag-uwi ng Marikina. Tatlong tahi sa kilay ang napanalunan ni Rex. Pasa sa iba’t ibang bahagi ng katawan naman kina Miko at Jonjon. Gayunpaman, buo pa rin ang tiwala ni Jonjon na may mararating sila. Hindi lang niya matiyak kung kailan.

“Hindi ba nagpapatugtog ng banda si Erwin dito?” tanong ni Jonjon kay Rex.

Hindi sumagot si Rex. Sa halip, hiniwa niya ng kanang kamay ang hangin para makita ni Jonjon ang kabuuan ng Balsa. Tumango na lang si Jonjon nang makitang sobrang sikip ng bar. Hindi rin nakatulong na may maliit na mesa pa ng bumper pool sa gitna. Nakapalibot dito ang ilang expat na pinagpapasa-pasahan ang nag-iisang maiksing tako. Sa bar naman, okupado lahat ng silya. Binilang ni Jonjon ang mga tao at nalaman niya kung bakit parang puno lagi sa Balsa. Labinlimang tao lang ang magkasabay-sabay, jampacked na.

“At saka walang gamit dito. Magdadala pa tayo lagi ng amps at drum set. Hindi tayo kakasya sa oto.” dagdag pa ni Rex.

Nanghihinayang din si Rex na hindi sila puwedeng tumugtog sa Balsa. Tambayan pa naman ng mga puti ito. Puwedeng mas mahal ang cover charge. Kung ayaw nila ng maingay, puwede naman silang mag-unplugged. Kailangan lang nilang dagdagan ang pondo nilang kanta. Kailangan na niyang gumawa ng mga kanta sa Tagalog. Mas patok sa mga puti ang katutubong kanta. Lalo pa sa artsy-fartsy na mga expat na tumatambay dito.

Minsan nang ibinida ni Erwin ang mga customers niya. Yong balbas saradong parang hindi naliligo (at hindi talaga siya naliligo), si Horst. Photographer dati sa Reuters. Yong babaeng pula ang buhok at nakapaldang mahaba na dinikitan ng maliliit na bilog na salamin, si Erika, performance artist. Nag-iwan dati siya sa entablado ng bundok ng buhok na pinatakan ng dugo nang itanghal niyang gupitan ang sarili. Yong matandang hippie na nilalamas ang suso ng babaeng kaakbay, si Iain. Asawa ni Erika. Si Anya naman yong nagpapalamas ng suso. Photojournalist naman sa Associated Press. Yong tatlong lalaki sa bumper pools, mga artista sa isang theater group sa Australia. Pinahulaan pa ni Erwin kay Rex kung sino sa kanila ang bading. Hindi sumagot si Rex. Ilang beses niya nang nahuling pasulyap-sulyap yong pinakamalaki ang katawan. Meron din namang mga Pinoy na tambay dito.

“Kahit naka-t-shirt lang yong nakaupo doon sa mesa sa may pinto, kaya noong bilhin ang Balsa. Baka nga buong Malate.” bulong ni Erwin.

Marami pang ibang tsinismis si Erwin kay Rex. Nalimutan na lang niya ang mga pangalan. Kapag naglalakad sa Mabini, magugulat na lang siya tuwing may babati sa kanyang puti. Napapaisip siya tuloy kung binati ba siya dahil kay Erwin o dahil sa tumutugtog sila.

Gusto niyang paniwalaang sikat na sila. Nagulat siya minsan nang may lumapit sa kanya sa mall. Kumakanta pa ito ng sikat na kanta ng isang sikat banda nang kinalabit siya sa balikat. Kasalukuyan siyang nagbabakasakaling makasumpong ng matitinong libro na 50% off sa National Bookstore.

“Kilala kita.” bati sa kanya ng lalaki. “Paborito ko ang mga kanta n’yo. Yong...” nag-ahem muna ito bago kumanta. “Mang Kulas, pabili nga ng tsinelas...”

Hindi alam ni Rex kung paano sasabihing hindi sila ang bandang tinutukoy ng lalaki. Dyahe rin namang pahiyain ito.

“Oo, kino-cover namin ‘yan. Teynk yu.” pagsisinungaling ni Rex. Ayaw niya talagang tumutugtog ng Tagalog.

Nakahinga nang malalim si Rex nang nagpaalam ang lalaki matapos niyang imbitahan sa susunod nilang gig. Nag-headbang pa ang lalaki bago umalis at sinenyas ang kamay na nakataas ang hintuturo at kalingkingan.

Napaisip nang husto si Rex sa pagtatagpong ito. Natuwa nga siya at napagkamalang siya ang gitarista ng bandang Yano. Pero sa tagal nilang tumutugtog, hindi pa sila nagkakabreak nang malaki. At para bang nananadya pa ang lalaking nagkamali sa kanya, bigla ulit itong sumulpot. May bitbit na Jingle Songhits sa kaliwang kamay. Nakabukas ito sa kanta at larawan ng bandang Yano. Sa kanang kamay naman, ballpen at plastik na nahulaan niyang pinagbalutan ng songhits na hindi pa nababayaran.

“Tsong, pa-otograp naman.” bati ng lalaki.

Pumirma agad si Rex. Sinabi pa ng lalaki ang pangalan niya para puwede niyang ipagmayabang sa tropa niya pero hindi na pinansin ni Rex. Sa halip, sinulat niya:
More power, Eric of Yano.

Nagmadaling lumabas si Rex. Nakayuko. Ayaw na niyang makatagpo pa ng magkakamali sa kanya. Baka malaman pa ng lalaki na hindi siya si Eric.

Nahiya siyang ikuwento ito kina Jonjon at Miko. Nagtaka na lang ang dalawa kung bakit paulit-ulit nyang pinapatugtog ang cassette ng nasabing banda bago sila magpraktis.

“Uy, nagbago na ng trip.” biro ni Miko.

“Ba’t ba hindi tayo magcover ng Pinoy? Nakakasawa na ang Nirvana at Pearl Jam.” dagdag ni Jonjon.

Sa simula pa lang, ayaw nang tumugtog ni Rex ng Tagalog. Matindi ang paniwala niyang pang-puti lang ang rock. Hindi puwedeng ipadama ng rock ang pang-araw-araw na buhay at damdaming Pinoy.

“E ba’t ang Juan dela Cruz?” tanong ni Jonjon sabay kanta ng Balong Malalim.

“Utak colonial kasi ang mga ‘yon.”

Hindi sigurado si Rex kung kaya niyang susugan ang sinabi pero nagpatuloy pa siya. “Pangalan pa lang ng singer, kanong-kano na!”

“Kanta ang pinag-uusapan natin. Hindi yong singer. Bakit, wala bang kahit katiting na damdaming Pilipino sa Himig Natin?” dagdag ni Jonjon.

Iniwasan ni Rex ang tanong sa pagtodo sa volume ng amp. Tinodo niya rin ang distortion. Naulaw silang tatlo sa feedback. Iniwan ni Rex na naka-on ang amp at lumabas para bumili ng coke sa tindahan sa tapat ng studio.

Naulaw na rin si Rex sa kantiyawan sa Balsa. Hindi niya tuloy narinig ang ibinulong ni Erwin. Nabigla pa nga siya nang, sa wakas, mapansin si Erwin na parang hahalik sa pisngi.

“Pare, pasensya na. Kelangan n’yong lumipat. Dumating si Sandy.” mas malakas na bulong ni Erwin. “Sagot ko na lang ang beer n’yo. Okey?”

Walang kaso kay Rex na lumipat lalo pa’t makakalibre sila ng beer. Napakilala na sa kanya si Sandy. Matandang bading na suki ni Erwin. Hindi siya makatanggi dito. Mga pulitiko ang pamilya ni Sandy sa Malate. Kaibigan ng magulang niya ang kasera ni Erwin sa Balsa. Kung tutuusin, pabor sa Balsa tuwing dumarating si Sandy. Maramihan kung umorder. Parang laging nagbo-blowout. Pumapangit nga lang pag nalalasing na. Binasag ni Sandy dati ang pintong bubog nang malasing nang husto. Binayaran naman ni Sandy ang nawasak. Tatlong araw nga lang nagsara ang Balsa nang tumalbog ang tseke ni Sandy. Para maiwasan pa ang anumang aberya, sinasakyan na lang ni Erwin kung anuman ang trip ni Sandy.

Bago umalis si Erwin, tinawag niya ang babaeng naka-cheongsam para tulungan sina Rex lumipat sa bar. Lalong natuwa si Rex. Tahimik pero mabilis nilang binitbit ang mga gitara nila. Dinala naman ng babae ang mga bote ng beer na hindi na malamig kahit tig-kalahati pa ang laman.

“Gusto n’yo ng yelo?” tanong ng babae.

“Hindi nilalagyan ng yelo ang beer. Nawawala ang lasa.” mayabang na sagot ni Jonjon.

“Ano ka ba? Hindi waitress yan.” saway ni Rex sa kasama. Ngumiti siya at inabot ang kamay sa babae. “Ako nga pala si Rex.”

“Alam ko. Kilala na kita.” sabi ng babae.

Napakamot si Rex. Inisip niya ang mga posibilidad. Sinabi kaya ni Erwin? Sana dahil sa banda namin? Kahit ano, basta wag lang dahil akala niya, Yano kami.

“Sori, nakalimutan ko na pangalan mo.” hirit ni Rex.

Nanghuli siya kung sasabihin ng babae ang pangalan. Ayaw niyang itanong ng diretsahan. Dehin swabe, naisip niya.

“Ikaw. Anong gusto mong itawag sa ‘kin.” sagot ng babae habang pinupunasan ang ibabaw ng bar.

“Si Gina nga pala, pamangkin ko.” sabat ni Erwin.

Hindi naniwala si Rex dahil magkalayong-magkalayo ang dalawa. Matabang maputing singkit si Erwin. Payat na morenang para kang pinandidilatan si Gina.

“Ano’ng pangalan mo pag umaga?” biro ni Jonjon na sinagot naman agad ng siko ni Rex at mas malaking pandidilat mula kay Gina. Humingi naman agad ng paumanhin si Jonjon na itinago ang pagkakapahiya sa paglagok sa bote ng beer.

“Pamangkin mo nga Erwin?” tanong ulit ni Rex.

“Basta huwag mong lolokohin. Mananagot ka sa ‘kin.” sagot ni Erwin sabay kindat kay Gina.

“Hindi bagay sa ‘yo ang Gina. Saan galing? Regina?” tanong ni Rex.

“Kaya nga bahala ka na kung anong gusto mong tawag.”

“Cheongsam na lang. Okey lang?”

Napatingin si Gina sa suot niya. Nangiti, dahil paborito niyang damit ito.

“O sige basta ang tawag ko sa ‘yo, Kulot.”

Napakamot si Rex sa bansag sa kanya. Hindi siya pumalag. Patas na sila ni Gina.

“Mabuhay ang bagong kasal!” sumigaw si Jonjon.

Napatingin tuloy ang mga expat na customer sa ingay ni Jonjon. Namula naman si Rex. Dedma lang si Gina. Pumalatak naman si Erwin habang inuulit sa pagbukas-sara ng bibig ang paalala kanina kay Rex.

“Paano mo ulit ako nakilala?” tanong ulit ni Rex.

“Ininterbyu na kita dati. Sa Rakrakan Fanzine. Tumiklop na ‘yon. Akala ko nga maaalala mo ‘ko. Isnabero ka pala sa personal.” sagot ni Gina. “Paano ba ‘yon, ‘We can’t just play to entertain. There must be some deeper meaning to it.’”

Napahiya siya sa pag-ulit ni Gina sa interbyu niya.

“Sinabi ko ‘yon? Sori ha. Bad trip kasi ako. Inindyan kami ng drummer namin.”

“Yong Neps?”

“Alam mo rin?”

“Nainterbyu ko siya bago pa sumali sa inyo.”

“Ang dami mo namang kilala.”

“Puhunan, Pare.”

Nailang si Rex sa pagtawag sa kanya ng Pare. Parang sinupalpal siya ng isang salitang ‘yon. Ibig sabihin, hindi sila talo.

“Nagsusulat ka? Pasensya na hindi ko talaga maalala.”

“Photographer. Asawa ko yong writer.”

“Ah.” Kinabahan si Rex.

“Ex-husband pala.”

“Aaaahhhh!” Nakahinga si Rex. Pero lalong dumami ang mga tanong. Gustong-gusto niyang tanungin si Gina pero nagpigil. Darating tayo diyan, sabi ni Rex sa sarili.

Nakalimutan ni Rex si Jonjon na kanina pa nag-aahem. Nilibang na lang nito ang sarili sa pagpanood sa mga nagpu-pool. Nagpalista siya sa blackboard para pumila sa laro. Inangat niya ang pambura ng chalk at dumukot ng pulbos nang siya na ang susunod. Aabutin na niya ang tako, nang may nagbasag ng bote sa kabilang panig ng Balsa. Mabilis ang pangyayari kaya hindi na rin siya nakailag sa paghampas ng tako ng isang expat. Lumagpak sa mukha niya ang tako nang yumuko ang isa pang expat na kaaway ng naunang expat. Kahit pa nahilo-hilo siya sa sakit, una niyang hinatak si Hilda. Nauna nang lumabas sina Gina at Rex na yakap-yakap si Tori.

Humangos palabas sa Mabini ang tatlo. Nagtatakbo sila sa Adriatico kung saan nakaparada ang box-type. Naunang nakarating si Jonjon sa may trunk. Iaangat na niya si Hilda nang makitang magkahawak ng kamay sina Rex at Gina. Parang nakuryente naman ang dalawa nang makitang nakita sila ni Jonjon. Dumiretso si Rex sa likod para buksan ang trunk at nang makaiwas sa mga tanong na hindi niya masasagot.

“Uuwi na ba kayo?” tanong ni Gina.

“Sana. May gusto ka pa bang puntahan?” hirit ni Rex.

Napalunok si Rex sa tanong niya. Naalala niya ang kalagayan ng bulsa niya.

“Wala naman. O sige.” sabi ni Gina na tumalikod agad para umalis.

“Teka, ihahatid ka na namin.” habol ni Rex. “Ipasok mo na nga si Hilda sa trunk, Jon.”

“Dyahe naman.” sabi ni Gina.

“Marunong ka palang mahiya.”

“Hoy, dalagang Pilipina yata ‘to.”

“Ba’t may sinabi ba ‘kong hindi?”

“O sige, pero hatid lang.”

Pumasok sila ng oto. Sinilip ni Rex si Gina sa reaview mirror para tanungin kung saan nga pala siya ihahatid.

“ParaƱaque.”

“Lapit lang pala.” sagot ni Rex, sabay tingin sa fuel gauge.

“Di ka na aabot?” tanong ni Gina. Dumukwang siya sa may harap nang mapansin kung saan nakatingin si Rex.

“Kahit Tagaytay ka pa nakatira, aabot pa ‘to.” hirit ni Rex.

“Hindi nga lang tayo makakabalik.” sabat ni Jonjon para naman maalala pa siya ni Rex na katabi niya lang.

Inistart ni Rex ang oto at nagmaniobra papuntang Roxas Boulevard.

“Tiyuhin mo talaga si Erwin?” nagtanong si Jonjon para malunod sa usapan ang paglangitngit ng kanang gulong.

“Parang.” sagot ni Gina. “Patugtog ka naman.”

“Nasa trunk ang gitara namin, e.” sagot ni Jonjon.

“Mahirap maggitara habang nagmamaneho.” mabilis na dagdag ni Rex para hindi na maungkat ang stereo.

“Hahaha.” patuyang hirit ni Gina. “Ang corny n’yong dalawa.”

“Sabi na nga ba, hindi mo kaano-ano si Erwin.” sabi ni Jonjon.

“Ano naman kung may relasyon nga kami ni Erwin? Sino bang kasama ko ngayon?” sabi ni Gina nang walang bahid ng malisya.

Natigilan sina Rex at Jonjon. Inisip ni Rex, nagkamali lang ng gamit ng salita si Gina. Na sa halip na tagalog ng relative, relationship ang nasabi niya. Nagkasya na lang siya sa sumunod na hirit ni Gina.

“Wala talagang sounds? Magjoke na lang kayo.” hirit ni Gina.

Sumakay naman agad si Jonjon sa hamon ni Gina. Ilang na ilang na siya sa mga narinig niya mula nang makilala si Gina.

“Eto. Anong sabi ng isda nang hiwain siya?”

“I’m two na! Ang corny!” pambara ni Gina.

“E anong sabi ng isda nang mag-sunbathing siya?” hirit naman ni Rex.

“I’m da-ing! Nyar-nyar.” asar ni Gina ulit. “Mais! Mais!”

“Sino kaya’ng di corny? Ikaw nga ‘tong alam lahat ng sagot.” sagot ni Jonjon.

“Eto ang di corny.”

Nabigla si Rex sa pagtakip ni Gina sa mga mata niya. Pinilit niyang huwag mataranta. Baka mapakabig siya. Mahirap na sa tulin ng takbo nila. Nagsisigaw si Jonjon. Tahimik lang si Rex. Dahan-dahan niyang inapakan ang preno pero unti-unti na niyang nagugustuhan ang pagtakbo nang walang nakikita.

Sunday, June 18, 2006

Pag-Amin Sa Katotohanang Hindi Pa Nagiging Totoo



Nagdoble ng kapal ang kamay ni We nang dukutin niya ang bandana sa bulsa. Kanina pa namamanhid ang kamay niya sa paulit-ulit na pagsisid sa cooler na mas nag-uumapaw pa sa yelo kaysa bote ng beer. Hindi niya tuloy naramdaman na wakwak na ang kanang palad niya. Kahit ang pagkakabugbog sa pagpukpok sa mga tansan ng boteng pinapabukas sa kanya, balewala.

Gusto niyang magpasikat kanina. Buksan ang mga bote sa pagtungkab ng tansan gamit ang isa pang tansang nakakabit sa isa pang bote. Romansa ng bote, ika nga, dahil parang naghahalikan ang mga ito. Isang bira. Walang nangyari. Dalawa. Tatlo. Sa ikaapat, nabasag ang nguso ng mga boteng hawak niya. Walang pakialam ang mga nagpapabukas. Abala silang lahat sa pag-usyoso sa kung sino ang sumasayaw sa loob ng bahay. Inusog na lang niya ang cooler at isiniksik sa likod ang mga bubog. Dumukot siya ng isa pa, pinakagat sa gilid ng cooler ang ngipin ng tansan bago hinampas ng palad. Isang pukpok, bukas ang bote. Inabot niya ang mga bote sa mga nagpapabukas na hindi pa rin tumingin sa kanya.

Nang wala nang nagpapabukas ng bote, nagpunas siya ng kamay na akala niya, basa lang sa tubig mula sa cooler. Ayaw niyang siyasatin ang kaliwang kamay. Lalo pa nang makaramdam na ng patindi nang patinding kirot. Binalot niya na lang ito ng bandana at ipinanghawak sa bote para maibsan ng lamig ang sakit. Parang bote ng beer sa mga bar; nakabalot sa tissue paper.

Minabuti niya munang tumungga-tungga ng beer sa tabi ng cooler habang hinihintay dumating si May. Sabi niya kagabi sa telepono, manonood daw muna sila ng sine ni Andrew bago dumiretso dito. Nagkamali si We kagabi nang madulas siyang magtanong kung may pag-asa ba si Andrew kay May.

“A, yon? He’s so eeecky romantic. Parang aso. Sunod nang sunod.” sabi ni May.

Gusto sana niyang dagdagan pa ang tanong, e anong gusto mo? pero nakapagpigil siya. Napaisip din siya kung yong sunod nang sunod, katumbas din ba ng tawag nang tawag? O text nang text? Pinatay ni May ang katahimikan ng linya nang magpaalam na.

“Sige na. Kailangan ko pang maghanap ng sponsors. And I still have Philo orals next week.” sabi ni May bago ibaba ang telepono.

Ni hindi man lang nagsabi ng Bye si May bago ibaba ang telepono. Maigi na rin dahil alas dos na ng umaga. Kailangan pang pumara ni We ng tricycle mula sa bahay ni Alex. Napapadalas ang pagtambay niya kina Alex. Putol ang telepono nila sa bahay. Dito, tatlo ang telepono. Puwede siyang makitelebabad sa isang linya habang sinusunog naman ni Alex sa pambobola sa kung sino ang isang telepono sa kabilang sulok ng kuwarto.

Hindi pa rin dumarating si Alex. Ipapakilala daw niya 'yong nakilala niya sa Starbucks kamakalawa.

Ilang minuto pa, nainip na si We at naglakad-lakad. Kanina pa niya gustong lusubin ang pika-pikang nakahain sa loob. Naglaway siya sa barbeque. Humila ng pakpak ng lechong manok. Namrublema at wala na siyang makitang papel na platito at plastic na tinidor para sa pancit malabon.

Gumala-gala ang tingin niya sa paligid habang binibilisan ang pagnguya sa pakpak ng manok. Konti na lang ang kilala niya sa TK. Matagal na siyang gumradweyt. Limang taon. Yong mga ka-batch niya sa Teatro Kolehiyo, kung hindi subsob sa trabaho o nag-aabogado o nagdodoktor, nangag-asawa na at nagpapalaki ng mga anak.

Inaliw na lang niya ang sarili sa pagsimple sa maiiksing damit ng mga babae. Sa malaswang paggiling nila sa mga tugtog na mas marami pang dagundong ng mga tambol kaysa kanta. May ilan-ilan siyang nakilalang mukha. Mga katulad din niyang may natitira pang panahon para sa teatro bukod sa totoong buhay. Pilit niyang iniiwasan ang mga kakilala niya. Kahit si Robert na may-ari ng bahay na ito. Dadaan-daan lang sa harap niya. Gagantihan lang ng pagtango o pagngiti. Tumalikod si We para sipsipin ang natitirang laman sa malagkit na buto ng manok. Matapos itapon ang buto, sumilip siya sa cellphone. Ni text message, wala siyang natatanggap. Kumirot lang ang palad niya sa pagpindot.

Nabaling ang tingin siya sa mga nagkukumpol sa tabi ng swimming pool. Nagtatawanan sina JP, Jake at Herbert, mga kasama rin sa dula. Naghaharutan naman ang iba. Nagtutulakan. Nag-aangasan. Wala namang nahuhulog. Tumango si JP sa kanya. Gustong sumigaw ni We para itanong kung anong oras darating ang ate niya. Sa halip, tumango na lang si We. Hindi rin sila magkakaintindihan sa ingay ng tugtog. Baka makahalata pa si JP.

Dumating naman si Des nang magawi ang tingin ni We sa pinto. Nagkatitigan silang dalawa bago dumiretso si Des kay JP. Hahalik na dapat si Des kay JP nang mapansin ng huli na nakatingin ang lahat sa kanila. Sumimpleng may ibinulong na lang si Des kay JP. Pero sigurado si We na nagdikit ang mga labi nila nang bumaling ng tingin si JP sa mga nagsasayawan sa loob.

Nang matanggap si We para gumanap sa dulang The Balcony ni Jean Genet, una niyang nakilala si Des, ang stage manager. Taongbayan lang ang papel ni We pero pinatos na rin niya. Wala naman siyang pinagkakaabalahan matapos masipa sa law school.

“Ikaw palang girlfriend ni Glenn.” sabi agad ni We.

“You know him.” sagot ni Des.

“Lower batch sa akin. Siya laging bida sa mga productions namin. Siya si Hamlet. Si Berger. Si Caligula. Romeo. Puck. As in lahat.” sabi ni We.

“I heard you were good too. Your oral skills remain unchallenged to this day. The long skirt incident. Haha.” sabi ni Des na di mapigilan ang pagbungisngis.

“Tagal na noon.” sagot ni We na hindi na maitago ang pamumula.

Naging alamat na si We sa TK nang mabasyo sila ni Linda, ang dati niyang girlfriend, ng guwardiya sa backstage. Gabi na noon at kinilabutan ang guwardiya sa mga naririnig niyang pag-ungol sa backstage. Nang makitang si Linda ang naroon at hindi multo, nagsuspetsa ang gwardiya. Napatili naman sa gulat si Linda pagkakita sa guwardiya. Hindi sana malalamang nasa ilalim ng palda si We kung hindi lang niya naipit ng dalawang hita ang ulo nito. Hilong-hilo si We nang humarap sa guwardiya na binayaran na lang nila para hindi mag-ingay. Pero kumalat pa rin ang insidente.

“Kala ko naglo-law school ka?” tanong ni Des.

“Dati.” sagot ni We. “ PMA ako ngayon. Pahinga Muna Anak.” dagdag pa niya para hindi na magpaliwanag pa.

“Single ka pa rin?” tanong ni Des.

“Kasama ba sa interbyu ‘to?” sagot ni We na nabigla sa tanong. “Sssingle.” dagdag niya nang maisip na wala namang masama sa tanong. Showbiz din nga pala ang teatro, naisip niya.

“Super single? Single-dating?” tanong pa ni Des.

“Single…dating.” sagot ni We nang makuha ang pagkakaiba ng dalawa. “Eh ikaw?” pahabol niya para lang makabawi.

“Si Glenn nga di ba?” bara agad ni Des.

“Oo nga pala.” sabi ni We na hindi maitago ang pamumula.

“Tsk, tsk. Not listening kasi e.” hirit ni Des na parang isang guro sa kanyang estudyante. “Eto na pala si May.”

Nakipagkamay lang si We kay May. Hindi niya napansin ang lambot ng kamay, ang malusog na labi at dibdib. Hindi niya pinansin ang mga pamimilog ng mata ni May sa kanya. Naintriga siya kay Des na patuloy lang niyang kinausap. May kakaibang ngiti kasi ang mga mata ni Des. May ibang lukso sa dugo ni We sa bawat pagkurap. Naisip niya noong sulutin kay Glenn si Des. Napawi lang sa kaisipang matagal niya nang kaibigan si Glenn. Naalala niya ring apat na taon na niyang girlfriend si Shirley.

Matapos ang pagpapakilala, nagpalitan sila ng cellphone. Madaling tandaan ang kay May. 8001-May.

“My mom’s so into numerology kasi.”dagdag pa ni May na may halong pagkadiyahe at pagmamayabang.

Dinukot ulit ni We ang cellphone. Wala pa ring message. Nagpasya na siyang tawagan si May pero bago pa man maka-connect, pinindot agad niya ang END. Naisip niyang baka kalikutin ni Shirley ang cellphone niya pag nagkita muli sila mamaya o bukas. Depende kung kelan sila magbabati.

Bago dumiretso kina Alex kagabi, napikon na nang husto si We sa pagseselos ni Shirley. Mula nang bumalik siya sa TK, lagi na lang siyang kinukulit ni Shirley tungkol sa kanila ni May.

“Sige na nga syota ko siya. Yon naman ang gusto mong marinig di ba?” bulyaw ni We.

Nabingi siya sa sariling sigaw. Hindi makapaniwalang nasabi niya ‘yon. Pero kahit papaano, gumaan ang pakiramdam niya. Hindi lang sigurado kung sa pagsigaw o sa pag-amin sa katotohanang hindi pa nagiging totoo.

Tumalikod na lang si Shirley at umalis. Mula noon hindi pa rin sila nagkakausap. Nagsisisi si We sa ginawa niya pero gusto niya ring mag-isa. Lumayo. Hindi niya maamin kay Shirley na nasasakal na siya. Kahit ang maliliit na bagay napapansin ni Shirley. Kahit ang pag-silent mode ni We sa cellphone, pinagdududahan.

“Bakit? Ayaw mong malaman kong may tumatawag na ibang babae sa ‘yo?” paratang ni Shirley noon.

Hindi sumagot si We. Nakasanayan na lang niyang i-silent ang cell niya pag kasama si Shirley. Hindi niya alam noon kung bakit nga ba hanggang binigyan ni Shirley ng kahulugan.

Hanggang ngayon, lagi pa ring naka-silent ang phone niya. Tutal, mas madaling maramdaman ng pag-vibrate nito tuwing may tawag o text message kaysa sa pagtunog. Gayun pa man, mahirap pa ring matukoy kung kumikibot ang cellphone niya ngayon. Puputok na ang pantog niya sa dami ng nainom. Sa sobrang lakas ng tugtugan, yumayanig pati mga kalamnan niya. Tiyempong natatapat sa bagsakan ng tambol ni Goldie ang dalas ng pagkapa niya sa cellphone at pagsilip sa bulsa.

Inubos niya muna ang pangatlong beer at nakipagsisikan sa pagitan ng mga nagsasayawan sa loob para pumila sa banyo. Sa lakas ng patuloy na pagbugbog sa pandinig ng mga tambol ng Rockafeller Skank ni Fatboy Slim, hindi tuloy siya napansin ni Laura na may ipinapakita kina Sol at Isa. Undergrad members sila ng TK. Nakatoka sa logistics bukod sa paggawa ng mismong set. Mas madalas nga lang silang makita sa mga party tulad nito kaysa rehearsals.

Nang lumapit pa si We, ibinababa pala ni Laura ang puting pantalon para ipakita sa mga kasama ang suot niyang pulang t-back. Parang nakuryente si We pagkakita sa hiwa sa pagitan ng mga pigi. Napatili ang tatlo na nauwi sa paghagikgik na parang pinagkikiliti sa kung saan-saang bahagi ng katawan. Nakayukong umalis ang tatlo pabalik sa sayawan. Dahan-dahan sa simula pero nagtatakbo nang makalayo kay We na nakayuko rin. Namimilipit na sa pagtitiis at sa nakita.

Kakatukin na niya ang banyo nang biglang bumukas ang pinto. Lumabas si Allan, ang isa sa mga lead. Hindi na niya napansin ang pagtango sa kanya ni We. Papasok na si We sa pinto nang lumabas naman si Roger, ang direktor. Sa tindi ng nararamdaman ni We, hindi na niya inisip kung ano ang ginagawa ng dalawa sa loob ng banyo. Bahagyang nainis pa nga si We na kung bakit hindi pa sabay lumabas ang dalawa para maka-jingle na siya.

“May beer ka pa?” tanong ni Glenn sa kanya paglabas ng banyo.

“Wala na.” sagot ni We.

“Tamang-tama. Kuha mo na rin ako.” sabi ni Glenn na mas biro kaysa utos.

Ayos lang naman kay We. Kaso lang, kumikirot na naman ang kamay niya.

“Sandali lang. Dadaan muna ako ng kusina.” paalam ni We para maghanap ng bottle opener. Naghahalungkat siya sa mga cabinet nang kalabitin siya ni Des.

“Usap tayo.” bulong ni Des.

Sa pagkaabala, hindi agad pumasok sa isipan ni We na si Des ang nagsalita. Lumingon siya, nagpatuloy sa paghahanap, at lumingon ulit.

“Hindi pa ba kayo nag-uusap ni Glenn?” ang tanging nasabi ni We.

“Kaya nga usap tayo e.” sagot ni Des.

Tumango lang si We nang makapa na ang bottle opener.

“Later.” ikinorte ng bibig ni Des habang sumasayaw palayo sa pangyayanig ng Chemical Brothers.

Dumiretso si We sa cooler. Natuwa siya nang makitang puno na ulit ng beer. Kakalasin na niya ang pagkakabuhol ng bandana sa sugatang kamay nang maisip na puwede naman palang kanan ang ipangdukot ng bote. Nadismaya siya nang makapang maligamgam pa ang mga ito. Nabuksan na niya ang dalawang bote nang makitang nagtutulakan sina Laura papalapit sa cooler.

“Beer?” alok ni We sa kanila.

Napipi ang tatlong babae. Gustong lumapit. Gustong pumirme.

“Don’t worry. Wala naman akong nakita.” pahabol pa ni We para hindi mahiya si Laura.

“Wala ka ngang nakita. Tali lang na pula.” sagot ni Sol na biglang napasigaw sa pinong-pinong pagkurot ni Laura sa tagiliran niya.

Para hindi na tumagal pa, si We na lang ang lumapit para iabot ang mga bote. Tutal hindi naman gaanong malamig ang mga hawak niya.

Umalis ang mga babae nang walang imik pero nakatitig sa kamay niyang hindi na maitago ng dilim ang pakakabasa sa dugo. Sinubukang kumapa ni We sa kailaliman ng cooler. Namanhid agad ang kamay niya. Hindi niya tuloy matukoy kung mas malamig nga ang mga bote sa ilalim.

Pagbalik, hinarap agad siya ni Glenn. Hinila siya sa isang sulok ng bahay.

“Para hindi maingay.” sabi ni Glenn.

Naisip ni We, para madilim din at hindi sila makita ng iba.

“Ba’t di mo kasama si Shirley?” tanong ni Glenn nang nainip na si We sa paglagok-lagok lang.

“Hasel lang. Baka magwala pa ‘yon pag nakita si May.” sabi ni We.

“Tell me about it.” sagot ni Glenn.

“Sori, Pare. Di ko sadya.” sabi ni We.

Lumagok nang matagal si Glenn bago nakuhang magsalita muli.

“Hindi naman ako galit e. Kilala mo naman ako. Hindi ako seloso. Pero wag naman sana siyang abusado.”

Tumango-tango lang si We. Malinaw pa sa alaala niya nang makitang yumuyugyog ang kotse ni JP sa parking lot ng campus kahapon. Pawis na pawis ang windshield nang lumabas si Des. Ayaw niyang sabihin kay Glenn. Ayaw niyang sa kanya manggaling.

“May nagsabi sa ‘kin, nakita daw silang naghahalikan sa rehearsal room.” dagdag ni Glenn.

Alam na ni We pero hindi niya na ginatungan pa. Mas matindi pa sa halikan ang nasaksihan niya.

“Tinanong mo si Des tungkol dito?” tanong ni We.

“Umamin siya. Sabi ko sa kanya, para hindi ako magselos, dapat makipaglaplapan siya sa lahat ng lalaki sa TK.” sabi ni Glenn na nanginginig na ang boses.

Napalunok si We. Kahit papaano naglaway siya sa kaisipang iyon na napawi rin agad nang maisip niya ang sariling kalagayan.

“Di mo dapat…”

“Alam ko. Mali yon. E nasaktan na ako e.” sabat ni Glenn. “May yosi ka ba dyan?”

Naabot ni Glenn ang kamay ni We. Hinimas-himas ng ilang daliri ang likod ng palad parang nang-aamo ng kuting.

“Quit na ‘ko. Tatlong linggo na.” pabiglang sagot ni We.

Humarap si Glenn kay We, akmang aakap. Akmang aakbay. Gustong siyang itulak ni We pero wala siyang magawa. Ibubuka na ni Glenn ang bibig niya nang maulinigan nila ang pagdating ni Alex. Nakaangkla siya sa isang babaeng pamilyar na pamilyar kay We. Yumuko si Glenn. Patagong umalis pero nakita rin ni Alex.

“Kampay, Pare.” bati ni Alex kay Glenn.

Hindi sumagot si Glenn. Hindi niya matandaan kung kilala niya o hindi si Alex. Naisip lang ni Alex na hindi talaga siya narinig dahil sa lakas ng tugtog.

“Eto nga pala si…”

Napakamot na lang si Alex nang mapansing umalis na si Glenn.

“Suplado pala sa personal ‘yon.” sabi ni Alex kay We. “Di ba siya yong bida sa play?”

“Bayaan mo muna, Pre.” sagot ni We. Gusto niyang pasalamatan ang pagdating nina Alex. Lalo pa nang makita niya nang malapitan ang kasama ni Alex.

“So you’re William. I’ve heard so much about you. I’m Indy.” bati ng babae sabay beso kay We.

Parang posteng nakapalda si Indy. Matangkad, pero kalibog-libog sabi nga ni Alex sa kanya.

“We na lang. Di ako sanay sa William.” sagot ni We.

“Siya, Indy na lang. Hindi siya sanay sa Inday e.” biro ni Alex.

“ Nyar, nyar, nyar. Kaya hindi ka maka-score sa ‘kin. Baduy mo e.” ganti ni Indy.

“Di ba counted ‘tong pagsama mo dito sa party? Three points na agad ‘to di ba?” hirit ni Alex.

Napabuntong-hininga na lang si Indy sabay ikot ng mga mata.

“Ngayong magkakakilala na tayo, ba’t hindi mo kaya kami ikuha ng beer?” utos ni Indy kay Alex.

“I’ll get it.” nagpresenta si We. Ubos na rin ang bote niya.

“I’m sure Alex is man enough to do it. Di ba, Pare?” sabi ni Indy sabay hampas sa braso ni Alex na parang naghahamon ng suntukan.

“Yes master.” sagot ni Alex na nakatapat ang dalawang kuyom na kamao sa dibdib at nakalaylay sa bibig ang mahabang dila.

“No problem. Pahinga muna kayo dito.” sabi ni We. “Malamang pinagtulak mo pa ng bulok mong oto si Indy.” dagdag ni We sabay kindat kay Indy.

“Di siya nagtulak. Sinundo kaya ako ni Indy sa bahay.” sagot ni We. “Ah, Manang, paki punas-punasan mo muna ang kotse habang…”

“Titi mo! Samahan ko na nga lang si We.” sagot ni Indy sabay angkla kay We. Nagulat si We sa pagkaprangka ni Indy. Nabigla rin nang masagi ni Indy ang sugat niya sa palad.

“Sorry. Napaano yan?” tanong ni Indy.

“Wala ‘to. Electrifying kasi personality mo e.” sagot ni We.

“Magkaibigan nga kayo ni Alex.” ismid ni Indy.

“Hintay ko na lang kayo. Pakifollow-up lang ang order ko…” pahabol ni Alex.

“Tado!” biro ni We. Naglabas naman ng dila si Indy kay Alex habang paalis.

“Ingatan mo’ng date ko ha.” pahabol pa muli ni Alex.

Pinagtinginan silang dalawa ng mga nagsasayaw. Walang muwang si We. Patuloy niyang iniisip kung bakit sobrang pamilyar si Indy. Hindi niya tuloy narinig na may itinatanong si Indy sa kanya.

“Ha?” tanong ni We sabay senyas sa tenga para sisihin ang lakas ng tugtog.

“Sabi ko, Libra ka ‘no?” paliwanag ni Indy.

Hindi pa agad naisip ni We na zodiac sign ang pinag-uusapan. Sumagot lang siya nang malapit na sa cooler.

“Ah, oo. Manghuhula ka ba?” sabi ni We.

Nanliit siya sa kahihiyan nang maisip ang pagka-absurdo ng tanong niya. Nagkunwang hindi naman narinig ni Indy ang sinabi ni We.

“Magaan kasi ang loob ko sa ‘yo. Ganyan daw ang mga Libra sa isa’t isa.” sabi ni Indy.

Nailang si We sa sinabi ng babae. Kinalabutan. Nandiri, at nawalan ng ganang makipag-usap. Hindi nga lang niya maikaila na kahit paano, magaan din ang loob niya kay Indy.

“Ikaw ba yong nakilala ni…”

Hindi naituloy ni We ang tanong. Baka kasi isipin ni Indy na nilalagay siya sa puwesto niya na parang isang babaeng nakikipagkilala kung kanikanino.

“Ah, oo.” Tumawa nang mahina si Indy para sabihin kay We na okey lang yon. “Makulit kasi si Alex. Hindi naman ako suplada. Hindi rin naman presko ang pagpapakilala niya. Makulit lang talaga.”

“Sori ha. Baka isipin mo tsismoso ako.” sagot ni We habang dumudukot ulit ng bote sa cooler.

“Magaan nga ang loob ko sa ‘yo, noh?.” sabi ni Indy. “Nag-away daw kayo ng girlfriend mo?”

Natigilan si We. Di niya alam kung paano sasagutin ang tanong. Malayo sa isipan niya si Shirley. Mas nag-aalala pa siya na wala pa si May. Marami siyang gustong itanong na hindi man niya aminin sa sarili, higit pa sa produksyon, sa performance dates, sa dula. Naisip niyang mabuti na rin at wala pa si May. Wala pa rin siyang lakas ng loob na magtanong o kung paano simulan ang pagtatanong.

Napansin ni Indy ang pagkatahimik ni We. Nagtantya pa si Indy nang ilang sandali. Gumaan lang lahat muli nang ngumiti si We.

“Teka, ano pa bang sikreto ang tsinismis ng kaibigan ko sa ‘yo?” tanong ni We na di mapigilan ang pagngiti.

“Oops, dead-air. Anyway, kaya nga kami nang-gate crash ni Alex, para samahan ka. Libre pa ang beer.” paliwanag ni Indy.

“Aah. Mahabang kuwento e.” sabi ni We.

“Simulan mo na ngayon.” malambing na utos ni Indy.

Hinawakan niya ang kamay ni We na may hawak na bote at inilapit sa bibig niya. Naalala tuloy ni We nang pilit siyang subuan ng isang kutsara ng peipa kwa ni May. Gumanti lang si May nang tawanan niya ang tradisyunal na gamot sa sipon ng mga Tsino.

“Ang demanding mo naman.” buntong-hininga ni We nang mapansing nakapamewang si Indy sa kanya.

“Nalilibang ka naman di ba? Nakakalimutan mo kahit papaano?” hirit pa ulit ni Indy.

Hindi mawari ni We kung bakit siya sumasang-ayon pero hindi niya pinahalata.

“Iba na lang ang pag-usapan natin.” sabi ni We.

“Okidoki. Tungkol saan?” sagot ni Indy.

“Ikaw?” sabi ni We na parang tanong.

“Ako? Ikaw nga ang gusto kong pag-usapan natin.” sagot ni Indy na nalilito na sa takbo ng usapan nila..

“Ibig kong sabihin, ikaw naman ang pag-usapan natin.” paliwanag ni We.

“Ahh. O shoot.” sabi ni Indy.

Ibinalik muli ni We ang nadukot niyang bote. Idinikit sa pisngi niya para ipaalam kay Indy na hindi malamig. Para mas matagal silang mag-usap.

“Alam mo, nakita na kita dati. Di ko lang alam kung saan.” sabi ni We. Maingat na huwag magtunog pick-up line na laging ginagamit ni Alex.

“Yan din ang sinabi ni Alex sa akin. Sino kaya ang nangopya kanino? Hmm.” sagot ni Indy kunwang nag-iisip.

“Hindi. Totoo. Model ka ba?” pahabol ni We para hindi mapahiya sa naunang hirit.

“Yan din ang sinabi niya pagkatapos ko siyang barahin.” sagot ni Indy.

Nagtawanan silang dalawa. Alam ni Indy na nagkataon lang din ang lahat.

“Sobra ka kasing ten. Baka mag-colap ka.” bawi ni Indy.

Naging ngiti ang tawa ni We.

“Sige na nga iba na lang pag-usapan natin.” sabi ni We sabay taas ng dalawang kamay.

Umakbay sa balikat ni We si Indy at nagtawanan ulit sila. Si Indy, dahil napalagay agad siya sa pagkatao ni We. Si We, dahil nakatagpo siya ng taong nakakaunawa sa kanya. Gusto niya rin ang malambot na pagdiin ng dibdib ni Indy sa balikat niya.

“Usap na lang tayo mamaya. Baka magselos na si Alex.” paalala ni We kay Indy pagkakuha ng malamig na bote.

“Nagkaayusan na kami noon. Di kami talo. Pero sige, tara.”

Nang mabuksan na ni We ang mga bote, saka lang niya napansing pinagtitinginan sila ng mga tao. Nagyayayang bumalik si We para umiwas sa mga tsismoso’t tsismosa. Nang malapit na sila kay Alex, nakita niya si Des sa madilim na sulok ng kusina.

Nasabuyan ng pulang liwanag ang buong mukha ni Des paghitit ng yosi. Napansin ni We na hinahabol siya ng tingin ng Des. Nagkatitigan sila. Hinanap niya ang ngiting unang nakita niya kay Des. Kutob ni We, kahit na pagbubuksan ang lahat ng ilaw sa bahay, hindi na niya ‘yon makikita.

Tumigil si We, sumenyas kay Indy na hahabol na lang siya mamaya. Tumabi siya kay Des na ginawang ash tray ang isang plastic cup. Itim na ang tubig sa loob nito na nasasahugan pa ng ilang upos ng yosi.

“May yosi ka pa ba?” tanong ni We. Nawaglit sa isip niyang quit na nga pala siya.

Inabot sa kanya ni Des ang gusot na kaha ng Marlboro Lights.

“Beer?” alok ni We.

Umiling lang si Des.

Inabot na lang ni Des ang yosi niya para makasindi si We.

“Are we in the same situation?” tanong ni Des.

Ibababa na ni We ang bote mula sa bibig nang marinig ang tanong ni Des. Natuwa siya sa unang malas. Nalaman niyang alam ni Des na may namamagitan sa kanilang dalawa ni May. Nanonood sina JP, May at Des ng VCD sa bahay noon nang bigla na lang tanungin si May ng mommy ni niya.

“Is We courting you?”

“Where did that come from, Mom? And besides, We has a girlfriend.” sagot daw ni May.

“Just asking.” pangiting sabi ng Mommy ni May bago dumiretso sa kuwarto.

Dagdag pa ni Des noon, nagkatinginan lang sila ni JP nang tanungin si May. Tingin na nauwi sa hagikgik at kantyawan. Kinulit ni Des si We noon tungkol dito pero wala siyang napiga. Tumigil lang ng pangungulit ni Des tungkol sa isyu nang makita nilang dalawa ni JP sina We at May na kumakain sa isang sulok ng Itallianis. Magkatabi sila sa mesa sa halip na magkaharap. Magkatabi rin sila ni Des ngayon. Parehong nakatingin sa kadiliman sa halip na sa isa’t isa.

Bumuntong-hininga si We. Sobrang malalim. Itinaas niya muli ang bote habang inuulit sa sarili ang tanong. Gusto niyang sabihin kay Des, “Hindi.” Na iba ang kalagayan ni May at We kumpara kina JP at Des. Pero parang mas magandang kaisipang sabihing “Oo.” Lalo tuloy umigting ang pakiramadam na hindi pa rin dumarating si May.

Gusto sanang magsalita ni We pero parang nakalimutan niya kung paano. Tumingin siya sa mga nagsasayaw. Masayang-masaya sila kahit alam nilang may taning ang kasiyahang ‘yon. Na matatapos ang lahat pagkatapos ng kanta.

Biglang tumigil ang tugtugan. Magkakantiyawan na sana ang lahat ng tao nang biglang pumasok ang mga unang linya ng Love Shack ng B52s. Nagsigawan ang lahat. At parang may nagpaagaw ng pera, lumusob ang mga tao sa gitna. Tumayo si Des, parang nakalimutan lahat ng pinag-uusapan nila ni We. Hinatak niya si We na nagpaiwan lang.

Lumagok pa ulit si We. Kinapa niya ang cellphone mula sa labas ng bulsa ng pantalon. Dudukutin niya ulit pero nagdalawang-isip. Ilang sandali pa nakita na niyang nakikisayaw sina Alex at Indy, dugtong-dugtong sa isang mahabang pila. Umiikot sa buong bahay. Hinahatak lahat nang madaanan. Pumiglas si Indy at lumapit para yayain si We. Nataranta siya tapos nalungkot dahil hindi siya marunong magsayaw.