Dalawampung taon na ang lumipas nang namanaag
ang kalansay ng baboy ramo kasama ng mga lila
na nabubulok ang mga dahon
sa pag-init ng tagsibol. Binali ko ang bagang nito
mula sa pagkakabungisngis na parang nilangisang susi
at umuwi ako, iniwan ang baboy ramo para hayaang
buuin nito muli ang sarili, kung magkataon man,
sa bungal na pagkakabuhay-muli. Inangat ko ito
para ipakita sa mga anak kong babae. Taon-taon,
nawawalan sila ng interes. May mga sungay rin ng usa,
mga trilobita at mga tilad ng sinaunang bato
mula sa mga lugar kung saan sumikat ang araw
para pasuin ako at mamulat sa kagandahan – kahit yong
talukab ng pawikan na ginawang ashtray
sa una naming apartment, sa may pampang
ng sapa na umaapaw tuwing Marso
at inaanod ang basura namin papuntang dagat. Lahat ng ito
nakalatag sa isang kahon sa silong – parang kabaong
ng pinagdaan kong buhay, pero patunay rin
na yumuko ako sa mundo,
at dinampot kung anuman ang masumpungan ko.
(salin ng "The Man Explains His Souvenirs" ni Charles Rafferty)
0 comments:
Post a Comment